The Walks of Kulot


THOUGHTS OF KULOT
August 24, 2010, 2:56 pm
Filed under: THOUGHTS OF KULOT

Isang malungkot na araw para sa buong mundo ang nangyari kahapon sa Quirino Grandstand. Habang pinapanood ang mga kaganapan sa telebisyon, hindi ko maiwasang malungkot para sa ating bansa. Napapanood ng buong mundo ang nagyayaring hostage-taking sa CNN at isang malaking dagok nanaman ito sa imahe ng ating bansa. Mga inosenteng dayuhan ang lulan ng bus na iyon na ang tanging nais ay makapagsaya sa ating bansa. Sa totoo lang, hiya at pagkamuhi ang aking naramdaman noong mga panahong iyon. Subalit aking naisip na baliktarin mo man ang mundo, hindi maitatangi na dugong Pinoy ang nanalaytay sa akin. At kabilang ako, kasama ang buong bansa na haharap sa problemang ito.

Naniniwala pa rin akong may pag-asa pa din ang Pilipinas. Tulad nga ng sabi ni Reigno Jose Dilao sa kanyang liham sa CNN iReport, hindi lahat ng nasa Pilipinas ay katulad ni Mendoza. Naniniwala ako na madami pa din akong kababayan na may malasakit at lubos na nagmamahal sa ating bansa. Kung kaya’t nananawagan din ako sa buong mundo, na muli tayong pagbigyan.

At habang pinupulutan ang pangyayaring ito sa mga inuman session sa kanto, bakit hindi natin itanong sa ating mga sarili kung ano ba ang mga aral na ating mapupulot sa pangyayaring ito? Ano ba ang ating magagawa bilang mga Pilipino upang maibalik ang dangal ng ating bansa? Kapansin-pansin sa pangyayari kahapon ang pagdagsa ng mga “usi o usisero” matapos ang hostage taking. Marahil may kakulangan din sa bahagi ng crowd control team ng mga awtoridad pero talagang di na mapigilan ang mga usi. Tila parang mga langgam na nagsilabasan sa kanilang mga lungga. Di alintana ang malakas na ulan, nagsulputan ang mga usisero at usisera. Nagmasid, nagchismisan at nagsiuwian. Wala naman silang naitulong kung tutuusin. Sa halip na madala ng maayos ang mga dayuhang biktima patungo sa mga ambulansya ay nagpasikip lamang ang mga ito. Dito ko napagtanto na tayo ay isang bayan ng mga usisero. Kadalasa’y naroon lamang tayo upang magmasid, mag-abang, at manuro kung sino ang may sala. Ngunit pagkatapos ay wala naman tayong ginagawa upang makatulong. Bilang mga Pilipino, marahil ito na ang panahon na makiisa tayo upang maitaguyod muli ang ating bansa.

Sa ating pakikiramay sa mga biktima at paghingi ng tawad sa buong mundo, nawa’y mapanindigan natin na ang mga Pilipino ay isang lahi na may malasakit sa kapwa, may respeto sa buhay at isang bansang kaaya-ayang puntahan. Itigil na nating ang pagiging usisero at maging bahagi ng pagbabago. Sana makaugalian din nating isali sa ating mga panalangin ang kapakanan ng ating bansa. Kahit anong gawin natin, tayo ay mga Pilipino at kargo ng bawat isa sa atin ang suliranin ng ating bayan subalit naniniwala din ako na ang bawat isa sa atin ay may magagawa para dito.

Ako’y nanalangin para sa mga bikitma, para isang mapayapang mundo at bagong simula para sa ating bansa.

Advertisements

Leave a Comment so far
Leave a comment



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s



%d bloggers like this: